Wednesday, August 26, 2020

Buwan ng Wika 2020: KATAHIMIKAN

Agosto 26, 2020


KATAHIMIKAN

Walang katapusan na lamang na rigudon.
Sigawan. Bangayan. Sagutan. Iyakan. Tampuhan.
Humuhupa din naman ang unos sa nayon.
Pagkatapos ay ganun na naman.

Gusto ko lang naman ng katahimikan.
Saan poder ko ba ito matatagpuan?
Buhay na sapat, payak, at matiwasay,
saliwan mo pa ng pag-ibig na dalisay.

Ilang beses na ba ako naligaw?
Ilang beses na bang nagkamali?
Patuloy kong sinusundan ang ilaw..
Saan ba ang landas pauwi?

Ang buhay daw ay saliw ng ngiti at pighati.
Ngunit tila sa pighati na ako nahirati.
Pangarap ko lang talaga ang katahimikan.
Kahit pa sumabak ako sa himagsikan.

Susuong at susuong ako sa kawalan
hanggang sa matagpuan ang pinapangarap.
At kung wala sa lupa ang katahimikan,
malamang sa kabilang buhay ko na ito mahahanap.


Naalala ko na Buwan ng Wika nga pala ang Agosto kaya naisip kong mag-akda ng kahit isa man lang tula para dito.  Parang naging tradisyon ko na din ang sumulat ng kahit isang tula sa wikang Pilipino kapag Buwan ng Wika.  Ikaw, ano ang ambag mo para sa ating wika? =)

No comments:

Post a Comment