Friday, August 31, 2018

Buwan ng Wika 2018

Buwan ng Wika na naman po sa Pilipinas..  At gaya ng mga nagdaang taon, ako ay nagsulat na naman muli ng mga tula bilang pagbigay-pugay sa ating wikang pambansa.  Ang mga sumusunod na tula ay pawang mga kathang-isip lamang at di po sumasalamin sa aking buhay..


ISANG GABI

Nakangiti sa harap ng munting telepono..
Heto na naman ako.
At sa muling pagpasok ng iyong mensahe,
ako at tila lumulutang sa ere..

Itong ating lihim na usapan
ay lingid sa lahat sa ating tanggapan.
Walang alam ang lahat sa ating ugnayan
dahil ang alam nila ay mayron kang kasintahan.

Ano nga ba ako sa iyong buhay?
Isang iglap na nagbibigay kulay?
Karne na sahog sa ulam na gulay?
O ang iyong tadhana na hinihintay?

At sa tuwing tayo ay nagsasalo sa aking kama,
pag-ibig kaya ang iyong nadarama?
Di ako gaya ng iba na ang hanap lang ay makaisa.
Dahil sa akin ay talagang gusto kita.

Sana sa huli ay sa akin ka na lang.
Dahil di ko maisip na mapupunta ka pa sa iba.
Isip ay gulong-gulo at nahihibang,
lalo kapag alam kong kasama mo siya.

Gusto kita pero ayaw ko na.
Ayaw ko na ng ganitong puro balintuna.
Ang maglakad na katabi ka tungo sa dambana,
yan ang pangarap ko sa tuwina.

At sa muling pagtunog ng aking telepono,
Aking ngiti ay may halong kurot sa puso.
"Sleep na ako, I love you." sabi mo.
Ano ba naman itong napasok ko?

 Nakuha ko ang inspirasyon para dito mula sa isang tao na nakipagrelasyon sa isang makabagong babae na may nobyo na di na nya daw gusto..  At si lalaki na sa una ay nakikipaglaro lamang ay natagpuan na lamang ang kanyang sarili na umiibig na sa kanyang nilalanding kaopisina..



PIHIKAN

Sabi nila ako daw ay pihikan.
Trenta na ako pero wala pa ring kasintahan.
Ako din mismo ay nagugulumihan
kung bakit ang pag-ibig tila ako ay iniiwasan?

Di naman ako pangit.
Mahusay naman ako manamit.
May aral at trabaho naman ako.
At ang hininga ko ay di naman mabaho.

Ilan na nga ba ang aking nakasamang lumabas?
Isa, dalawa, tatlo na lahat walang kupas!
Ngunit bakit ba walang nadarama
kahit pa sila ay talagang kaaya-aya.

Madalas sa akin ay may ipakikilala.
Kapwa ko na pihikan din pala.
At sa bawat pagkakataon na kami ay lalabas,
tila ba ay pusoy na walang alas!

Bakit ba di ko madama,
yaong kilig na sinasabi nila?
Nasa akin ba ang problema?
Ako ba ay pihikan lang talaga?

Handa akong maghintay para sa lang iyo..
O tadhana na sana ay makilala ko..
Lahat ng meron ko ay handa kong ibigay,
makasama ka lang sa habangbuhay!

Di ako susuko sa aking paghahanap,
kahit na kung saan at kailan ay walang hinagap.
Pero habang wala ka pa ako ay mag-aaliw..
Anong malay ko na katabi na pala kita giliw?!

Ang inspirasyon naman para sa tula na ito ay mula sa isang tao ng tila ba ay di magawang magkaroon ng nobya..  Marami na ang ipinakilala sa kanya ngunit wala sa kanila ang kanyang hinahanap.  Kaya hanggang sa ngayon ay naghahanap pa rin siya.. =)

Hanggang sa susunod pong Buwan ng Wika! Sana ay may natuwa naman sa aking mga akda ngayong taon kahit na dalawa lamang po..  =)

No comments:

Post a Comment