At matulin na namang lumipas ang Buwan ng Wika ngayong taon ng 2014. At kagaya ng nagdaang taon, ang inyong lingkod ay muli na namang nagsulat ng mga tula sa wikang Pilipino sa isang pahina sa internet. Kakaunti lamang po ang aking naisulat gawa na din ng aking pagiging abala sa aking bagong trabaho.
Marami na namang mga sawi sa aming sinulid sa TipidPC. At sa kanilang mga karanasan sa buhay ako ay kumuha ng inspirasyon upang isulat ang mga tula na inyong mababasa sa ibaba. Dahil din dito ay puro mga malulungkot ang naging tema ng mga tula na aking isinulat para sa kanila. Nagkataon din na medyo malungkot ang simula ng aking taon kaya damang-dama ko ang lalim ng kanilang kalungkutan..
Sana ay magustuhan nyo ang aking mga munting obra para sa taong ito. Hanggang sa muli!
ANG HANGGANAN NG AKING LUMBAY
Umiihip na naman ang hangin,
habang ang ulan ay malakas na bumubuhos.
Para akong nakatinding sa isang bangin
kung saan may ilog na umaagos.
Naririto na naman ako sa puntong ito.
Nag-iisa sa aking mga saloobin.
Kelan pa nga ba ako dito?
Isang sawi kung iyong mamarapatin.
Ano ba ang aking gagawin kaibigan?
Aking sinta ako ay nilisan.
Magsimula daw muli ako ay sinabihan,
ngunit tila hindi ko masimulan.
Sa dami ng mga mali na nagawa,
paano ko ba maitutuwid lahat?
Hindi ko kailangan ang iyong awa.
Aking mga kasalanan sa likod ay aking buhat-buhat.
Nais kong balikan ang nagdaan.
Ngunit ang lahat ay alaala na lamang.
Aking buhay, kanino ko na ilalaan?
Tulala na naman, at tila timang.
Ito na ba ang hangganan ng aking lumbay?
Ano pa ba ang aking hinihintay?
Sana bukas ay may linaw na sa aking buhay.
Pagka't aking puso ay durog na at gutay.
MGA KATANUNGAN
Bakit nga ba?
Napakaraming katanungan na kailangan matugunan.
Para saan pa?
Bakit ba ako nagpapakahirap na siya ay matagpuan?
Mabait, may trabaho, at matalino.
Pero bakit di ko tipo?
Ano ba naman ito?
Natuturuan ba talaga ang puso?
Nais kong magmahal muli.
Pero bakit tila ako ay sa nakaraan nakatali?
Bakit mahirap kalimutan si "ex"
gayong marami namang "who's next?"
Tama lang ba itong ako'y nag-aaliw lang
sa piling ng kung sinu-sinong nilalang?
Napakarami kong katanungan.
Meron ka bang kasagutan?
SA PANG-ILANG PAGKAKATAON?
Pang-ilan ko na nga ba ito?
Dito na kaya magwawakas ang lahat?
Sumugal na naman kasi ako
sa isang tao na sa Panginoon nagbuhat.
Sawi na ng ilang ulit.
Pero ang bumangon muli aking pinipilit.
Dinadaan ko na lang talaga sa kulit.
Mga kabiguan sa isip iwinawaglit.
Sa likod ng aking isipan ay takot at kaba
ang aking nilalabanan na maramdaman.
Di ko alam kung siya na nga ba
ang aking magiging magpakailanman.
Madapa man muli ay hindi ko na masabi.
Pagka't ang kinabukasan ay hindi ko mahuhulaan.
Basta ako ay di uupo lang sa isang tabi.
Di ako papayag na parati na lang luhaan.
Sa pang-ilang pagkakataon ko kaya makukuha
ang pangarap kong buhay na maligaya?
Pakapalan na lang ng mukha.
Hanggang kelan nga kaya?
No comments:
Post a Comment